Nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi nila napag-usapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring away ng Barretto sisters kaharap mismo ang pangulo.
Magugunitang dumalaw si Pangulong Duterte sa lamay ng ana ng mga Barretto noong nakaraang linggo kung saan naganap ang sagutan nina Gretchen, Marjorie at Claudine Barretto.
Sinubukan pa umano ni Pangulong Duterte na pagbatiin ang mga magkakapatid pero nabigo ito.
Unang inihayag ni Sen. “Bong” Go na akala niya ay shooting lamang ng pelikula ang nasaksihan pero totoong pagtatalo na pala.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang isyu sa magkakapatid na Barretto ay isang pribadong usapin kaya hayaan na lamang ito.
Tumanggi na rin si Sec. Panelo na magkomento kaugnay sa “batuhan ng baho” ng magkakapatid na Barretto lalo sa pagkakaugnay nila sa gambling lord na si Atong Ang.
Nabatid na inakusahan ni Nicole Barretto ang tiyahin nitong si Gretchen na nang-agaw kay Ang sa kanya.
Pero sinagot naman ito ni “La Greta” sa pagsasabing ang pamangking si Nicole ang umagaw kay Ang, sa kapatid na si Claudine.
Mariing itinanggi naman ni Ang na nagkaroon ito ng relasyong sekswal sa mga Barretto ladies, maliban sa pagiging kasosyo o kasama sa trabaho sa casino at sabong.