Bubuo na ng isa pang panibagong panel of prosecutors ang National Prosecuton Service (NPS) ng Department of Justice (DoJ) na siyang magsasagawa ng preliminary investigation sa kaso ng mga pulis ng San Jose del Monte, City Bulacan.
Ang mga pulis ay sinampahan ng patong-patong na kasong kriminal sa DoJ ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkawala at natagpuang patay na anim na mga indibidwal.
Ayon kay NPS Head Prosecutor General Benedicto Malcontento, pamumunuan ng isang senior assistant state prosecutor ang panel of prosecutors ng DoJ na siyang mangunguna sa isasagawang pagdinig ng kasong serious illegal detentions o kidnapping, murder at planting of evidence laban kina Police Maj. Leo dela Rosa, Chief Intelligence and Drug Enforcement section ng SJDM, Police Staff Sergeant Benjie De Castro Enconado, Jayson Morales Legaspi, Irwin Joy Morfe Yuson, Edmund Villamar Catubay Jr, mga Police Corporal na sina Jay Marc Mabasa Leoncio, Herbert Linoy Hernandez, Raymond Babida Bayan, Paul Jimenez Malgapo at mga patrolman na sina Erwin Oplimo Sabido at Rusco Virnar Madla.
Nauna nang sinampahan ng reklamo sa DoJ ng NBI ang mga nabanggit na respondent matapos namang lumabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon sa reklamo ng pagkawala ng anim na mga biktima noong Pebrero 13, 2020.
Ang mga biktima ay sina Edmar Asprin at Richard Salgado, Edwin Mergal, Jim Joshua Cordero, Chamberlain Domingo at Chadwin Santos sa Towerville, Barangay Sto Cristo sa San Jose Del Monte na lumilitaw na hinuli sa isang checkpoint at isinakay sa kulay puting van.
Noong February 14, 15 at 18 naman ay patay na nang matagpuan ang mga biktima sa tatlong magkakahiwalay na lugar sa San Jose Delmonte.










