Nagpahayag ng pangamba ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa panawagan para ihiwalay ang Mindanao mula sa Pilipinas.
Ayon kay NEDA USec. Rosemarie Edillon, maliban sa epekto nito sa ekonomiya ay maaari ding magkaroon ito ng social cost, isang hindi magandang epekto sa tao, lipunan o sa kapaligiran na resulta ng mga aktibidad sa ekonomiya o politika.
Paliwanag pa ng NEDA official na bagamat maaaring magkaroon ng trade relations ang PH sa Mindanao, malaki ang social cost nito gaya ng halaga ng pagnenegosyo kung sakaling maging hiwalay na teritoryo ang Mindanao.
Hindi din aniya nais na magkaroon ng sitwasyon kung saan sa tuwing magtutungo sa Mindanao, kailangan pa na mag-secure ng visa o pasaporte.
Sinabi din ng NEDA official na makakaapekto sa appetite ng mga investor ang panawagang ihiwalay ang Mindanao.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Sec. Edillon ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mabibigo lamang ang naturang panawagan.
Aniya, ang Mindanao ay nag-aambag ng 16% ng gross domestic product ng ating bansa subalit ilan sa mga pinakamahihirap na rehiyon gaya ng BARMM at mga probinsiya gaya ng Basilan at tawi-tawi ay nasa Mindanao.
Bukod dito, kinikilala aniya ng BARMM na may autonomous political entity na ang social at economic ties nito ay konektado sa PH.