Pinatawag ng Cebu City Police Office ang mga may-ari ng mga resto bar at restaurant owners na matatagpuan sa M. Cuenco Avenue sa Barangay Kasambagan nitong lungsod ng Cebu kasama ang kinatawan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) bukas ng hapon para sa isang dayalogo.
Kabilang sa inimbitahan ng pulisya sina Cebu City Vice Mayor Raymond Alvin Garcia at ang Chairman ng Committee on Peace and Order na si Konsehal Philip Zafra.
Layunin pa umano ng pagpapatawag ay para hindi na maulit ang nangyari sa isang bar sa lugar na iyon kung saan nagkaroon ng away sa pagitan ng isang kilalang international chef na si Jason Atherton at grupo ng kalalakihan noong Disyembre 23.
Una nang nagpahayag ng pagkadismaya si Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa F Cafe & Bar dahil sa pagkakasangkot umano ng ilang tauhan nito sa pambubugbog kay Atherton.
Ngunit sa inilabas na pahayag ng establisyemento, itinanggi nito ang akusasyon dahil sila pa umano ang umawat sa gulo.
Pero base sa salaysay ng gobernadora, pinagsabihan lang ng Michelin-star chef ang grupo ng kalalakihan na humingi ng tawad sa kanyang anak na umano’y na-harass.
Sa halip na gawin ito ay pinagtulungan pang buhatan ng kamay ang British chef kaya nagkaroon ito ng mga pasa.