Inilabas na ng Department of Transportation (DOTr) ngayong araw ang guidelines para sa mga pampublikong sasakyan para sa panahon na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, mayroon pa rin namang mga pampublikong sasakyan na babiyahe sa ECQ period pero tanging ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR), na tinukoy ng IATF, ang siyang papayagang sumakay sa mga ito.
Kaya naman pinaghahanda ang mga APORs ng kanilang identification cards na ibinigay ng IATF o iba pang mga dokumento o IDs bilang patunay na sila ay pinapayagan na makabiyahe.
Para sa mga pampublikong sasakyan, tulad ng mga bus at jeepneys, 50 percent lamang ng kanilang seating capacity ang pinapayagan para masunod ang “one-seat-apart” setup.
Para sa mga tricycles, hindi dapat lalagpas sa isang pasahero ang sakay nito.
Pinapayagan namang makapag-operate pa rin ang mga motorcycle taxi services at Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Ang mga tren ng Philippine National Railways, LRT-1, LRT-2, at MRT-3 ay mananatili ding operational, pati rin ang mga flights at sea travel sa NCR.