-- Advertisements --

ROXAS CITY – Labis ang kagalakan ngayon ng pamilya ni Cadet 1st Class Rosemel Dogello matapos mapabilang ang kanilang anak sa mga topnotchers ng Philippine Military Academy Bagong Sinag Class of 2024 kung saan pumwesto ito bilang TOP 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Philippine Army Master Seargent Romel Dogello ama ni Rosemel, ibinahagi nito na walang mapagsidlan sa ngayon ang kanilang tuwa matapos malamang magtatapos bilang cum laude ang kanilang anak.

Anya, tinawagan umano sila ni Rosemel upang ipaalam na magtatapos na ito sa PMA ngunit inilihim nito ang nasabing karangalan.

Ibinahagi din ni Master Seargent Dogello na bata pa lamang si Rosemel ay pangarap rin nitong maging sundalo kagaya nya at hindi rin mapagkakailang matalino dahil mula elementarya hanggang senior high school ay lagi rin itong kabilang sa mga nabibigyan ng parangal.

Napag alaman na si Rosemel ay pangalawa sa apat na magkakapatid at residente ng Brgy. Jaena Norte, Jamindan Capiz at pumasok sa Philippine Military Academy noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.

Gaganapin naman ang graduation ceremony ni Rosemel sa darating na adesiotcho ng Mayo taong kasalukuyan kung saan babyahe naman ang pamilya nito patungong Baguio City upang saksihan ang kanyang pagtatapos.