KALIBO, Aklan – Kumikilos na ang lokal na pamahalaan ng Aklan upang matukoy kung may sindikatong nasa likod umano ng pamameke ng RT-PCR test ng mga turistang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.
Umaabot na kasi sa 19 ang turistang naaresto dahil sa pamemeke ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test result.
Ayon kay provincial administrator Atty. Selwyn Ibarreta, halos magkapareho ang pekeng test result sa orihinal na kopya.
Upang makasigurado, tinatawagan umano nila ang mga laboratory na nag-isyu nito.
Samantala, maliban sa mga pasahero ng eroplano, obligado rin ngayong magpakita ng QR code na iniisyu ng Aklan ang mga pasaherong nakasakay sa RoRo vessel mula sa Mindoro port papuntang Caticlan jetty port.
Kasalukuyang naka-isolate para sa mandatory 14-day quarantine ang mga nahuling turista.
Maaring maharap ang mga ito sa reklamong paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at falsification of documents.