Isang makasaysayang tagumpay nanaman para sa Pilipinas matapos hirangin si Oliver Eugen Kretz bilang Man of the World 2026, ang kauna-unahang panalo ng bansa sa naturang international male pageant.
Tinalo ng 25-anyos na Filipino-German ang 27 iba pang kandidato sa ikawalong edisyon ng pageant na ginanap sa Palacio de Maynila sa Malate, Maynila noong Sabado, Hunyo 6.
Si Kretz ay kinoronahan ng kasalukuyang kampeon na si Juul Missiaen ng Spain. Sa kanyang panalo, ipagpapatuloy niya ang adbokasiya ng kompetisyon na “masculinity with responsibility.”
Kinilala rin si Kretz bilang Best in Swimwear, Best in Beachwear, at Media’s Choice, na lalo pang nagpatibay sa kanyang pagiging isa sa mga paborito sa kompetisyon.
Ayon sa bagong kampeon, nais niyang gamitin ang kanyang panalo upang itaguyod ang adbokasiya para sa mga bata, partikular ang layuning matiyak na walang batang maiiwang walang tahanan o nasasaktan sa kahirapan.
Kinumpleto naman ang Top 5 finalists na sina Abel Adrian Diaz ng Ecuador bilang first runner-up, Fidel Arellano ng Chile bilang second runner-up, Luis Arturo Jauregui ng Mexico bilang third runner-up, at Afiq Naufal ng Malaysia bilang fourth runner-up.










