-- Advertisements --

Nanawagan si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo na alisin na lamang sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ang pamamahala sa hajj pilgrimage at isapribado na lamang ito.

Ito ay dahil sa problemang kinakaharap ng mga Pilipinong Muslim.

Sinabi ni Dimaporo na mayroong nakabinbing panukala sa Kamara sina Basilan Rep. Mujiv Hataman at Lanao del Norte Rep. Sittie Aminah Dimaporo para sa pagsasapribado ng hajj operation.

Ito’y kasunod sa taon-taon na pagsasagawa ng imbestigasyon.

Inihayag pa ni Dimaporo na posibleng maunsiyame pa ang Hajj 2024 dahil sa kinakaharao na problema sa loob ng National Commission on Muslim Filipinos.

Ang Hajj ay isa sa limang pillar ng Islam na napakahalaga para sa mga Muslim. Ito ay limang araw na ritwal at pilgrimage sa banal na Mecca sa Kingdom of Saudi Arabia.

Umaasa si Dimaporo na mabibigyan ng prayoridad ang mga panukala kaugnay ng pagsasapribado ng Hajj operation at matapos ito ng Kamara bago ang SONA sa Hulyo.

Maraming Pilipinong Muslim ang napaulat na na-stranded sa Metro Manila at Saudi Arabia noong 2022 at 2023 kaugnay ng hajj pilgrimage.