-- Advertisements --

Ipinagtanggol ng Malacañang ang Philippine Volcanology and Seismology (PHILVOLCS) kaugnay sa balak ng isang kongresistang paimbestigahan ang umano’y pagkukulang ng ahensya sa pagbibigay ng maagap na babala sa pagsabog ng Bulkang Taal.

Si Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang mambabatas na gustong magpapatawag ng imbestigasyon sa Kamara matapos ang mapaminsalang pagsabgo ng Taal Volcano noong Linggo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, bilib nga siya sa galing ni PHILVOLCS Director Renato Solidum sa pagpapaliwanag kaugnay sa bulkan.

Ayon kay Sec. Panelo, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay kontento rin sa naging performance ng PHILVOLCS.

Inihayag pa ni Sec. Panelo na gaya ng lindol, wala namang makapagsasabi kung kailan talaga sasabog ang isang bulkan.

Pero sa kabila nito, malaya naman daw ang Kamara na magsagawa ng imbestigasyon dahil bahagi ito ng kanilang mandato.