-- Advertisements --

Pinagtanggol ng Palasyo Malacañang na walang “premature” sa naging pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa umano’y pagkaka-detain ng dating House appropriations panel chair na si Zaldy Co sa Czech Republic.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, tama ang impormasyon ng Pangulo na si Co ay nasa kustodiya ng Czech authorities at na-hold ang kanyang paggalaw, kahit hindi ito opisyal na “arrest” gaya ng nilinaw ng Department of Justice (DOJ).

Nilinaw rin ni Castro na ang salitang “nahuli” na ginamit ng Pangulo ay pangkalahatan at maaaring tumukoy sa pagka-hold o restriction ng galaw, at hindi kinakailangan ng legal arrest.

Samantala, kinumpirma ng DOJ na si Co ay hindi inaresto kundi pinigilan lang dahil sa posibleng paglabag sa immigration rules matapos umanong tangkaing tumawid sa Czech-German border nang walang travel documents.

Kasalukuyan ding nasa Prague si Justice Secretary Fredderick Vida upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon kaugnay ng sitwasyon ng dating mambabatas.

Si Co ay nahaharap sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa P289-million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Nauna nang inatasan ng Pangulo ang pagpapadala ng high-level team upang makipag-ugnayan sa Czech authorities para sa posibleng pagbabalik ni Co sa bansa upang harapin ang mga kaso laban sa kanya.