Batay-sarado ng Manila Police District (MPD) ang Palasyo Malacañang at ang palibot ng presidential palace.
Ito ay habang isinasagawa ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang mga serye ng protesta bilang pagpapakita ng suporta kay Sen. Rodante Marcoleta na inaasahang sasampahan na ng kasong plunder anumang araw.
Ayon kay MPD Director, BGen. Arnold Santiago, simula nang isagawa ang biglaang kilos-protesta ng INC sa EDSA People Power Monument hanggang sa itinuloy ang naturang rally sa Maynila, binabantayan na ng mga pulis ang kabuuan ng palasyo.
Sa katunayan aniya, selyado na ang lahat ng gate ng Malacañang simula pa noong day one, at lahat ng mga kalsadang komokonekta dito ay may mga pulis na nagbabantay. Kasama rin dito ang regular na pagpapatrolya ng security forces.
Ayon kay Gen. Santiago, maliban sa regular deployment sa paligid ng Malacañang, ay nagpapadala rin ng suporta ng NCRPO para sa anumang pangangailangan.
Sa ngayon aniya, patuloy ang panawagan ng PNP sa INC na bantayan ang kanilang hanay upang hindi mahaluan ng ibang grupo na may ibang binabalak ang diwa ng kanilang isinasagawang rally.
















