Hinimok ng isang eksperto ang gobyerno na palakasin muna ang kampanya para sa immunization program bago bumili ng milyon-milyong bakuna para sa COVID-19, sakaling maging available na ito para sa publiko.
Ayon kay Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, makabubuting patatagin at palawakin muna ang programa, para matiyak na may maayos na gabay ang taong bayan para sa pag-avail ng tamang gamot o bakuna.
Matatandaang bumagsak sa 50 percent ang immunization rate ng Pilipinas na lubhang malayo sa 95 percent noong panahon ni dating Health Sec. Juan Flavier.
Ilang grupo ang nagsasabing ang mababang bilang ng mga nagpapakuna ay dahil sa kakulangan ng kaalaman sa mismong programa, habang may ilang magulang na natakot nang magkaroon ng kontrobersiya sa isang uri ng dengue vaccine.
Sa kasalukuyan, may mahigit 200 anti-COVID vaccines na ang dini-develop ng mga kompaniya sa iba’t-ibang bansa, ngunit wala pang naisasalang sa final stage ng trial.