-- Advertisements --

Target ng Philippine National Police (PNP) na mapabilis ang pagtatatag ng sariling COVID-19 testing laboratory sa Central Visayas sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nahahawang pulis sa naturang nakakamatay na sakit.

Sa isang statement, sinabi ng PNP na humigit kumulang 483 pulis ang nagpositibo sa COVID-19, o 1.6 percent ng kabuuang 28,459 confirmed cases sa bansa hanggang noong Hunyo 19.

Sinabi ng PNP na sa naturang bilang, 225 cases ang mula sa Metro Manila, habang 112 naman ang sa Central Visayas.

Sinabi ni PNP Chief Police General Archie Gamboa na ang pagkakaroon ng capacity-building measures tulad nang pagkakaroon ng sariling testing laboratories ay magtitiyak na maisasailalim sa COVID-19 testing ang mga pulis at mabilis na makukuha ang resulta ng mga ito.

Iginiit ni Gamboa na mahalagang maprotektahan ang kalusugan ng mga pulis upang sa gayon ay patuloy din nilang maprotektahan ang publiko.

Sa ngayon, hinihintay pa ng PNP ang sagot ng Department of Health sa kung saan ang suitable site para sa ipinapanukala nilang testing laboratory sa Central Visayas.

Mababatid na sa kasalukyan ay patuloy ang operasyon ng kanilang RT-PCR laboratory sa Camp Crame matapos na mabigyan ng lisensya ng DOH noong Mayo 26.