Naglabas ng Executive Order si Cebu Governor Gwen Garcia na nagbabawal sa pagtatayo ng mga iligal na istruktura tulad ng mga floating at fixed cottage sa foreshore area, mangrove zone, public beach zone, at fishing zones ng munisipalidad ng Cordova Cebu.
Ang itinayong mga iligal na istrukturang doon ay lumabag pa umano sa Presidential Decree No. 1067, na nagtatag ng Water Code of the Philippines, at Cebu Provincial Ordinance No. 2021-01 o Water Code ng Cebu.
Sa inilabas EO, pinagbawalan din ni Garcia ang mga may-ari at/o operator ng mga pump boat at iba pang katulad na mga sasakyang pandagat na maghatid ng mga construction materials sa nasabing mga lugar.
Batay sa regulasyon ng DENR, ang mga lupaing nasa hangganan ng mga dagat, golpo, look, o daungan ay napapailalim sa easement alinsunod sa environmental laws.
Ang interbensyon ng gobernador ay matapos humingi ng tulong ang bagong halal na Mayor ng Cordova na si Cesar “Didoy” Suan sa mga unregulated na floating at fixed cottage na umuusbong sa baybayin ng Cordova na umabot na sa mahigit 300 ang mga cottage na ito. b
Pinapatakbo pa ito nang walang wastong sistema ng pamamahala ng basura at mga banyo.
Nanawagan ang gobernador sa mga pangunahing ahensya na magtulungan upang tulungan ang Cordova na iligtas ang industriya ng turismo nito mula sa inilarawan niyang “marine disaster in waiting.”
Bilang paunang solusyon, inilabas ng gobernador ang ideya ng pagkakaroon ng relocation site para sa mga cottage operator na ito na may kasamang cash assistance.