Pinalagan ng isang mambabatas ang paglalagay ng catering area sa Malakanyang.
Tinawag ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas na insensitive at pagwawaldas umano sa taxpayer’s money ang pagpapatayo ng “catering area” sa Palasyo.
Dapat maging sensitibo umano ang Marcos administration sa hirap na nararanasan ng nakararami nating kababayan na hindi pa rin nakababangon sa epekto ng pandemya.
Sinabi ni Brosas, sunod-sunod ang magagarbong party ng mga Marcos at ngayon naman pagpapatayo ng “catering area” sa Malakanyang sa harap ng umiiral na economic crisis.
Sa Facebook page kasi ni First Lady Liza Araneta-Marcos, ibinahagi nito ang litrato ng groundbreaking ceremony noong September 15 para sa bagong “catering area” sa Palasyo.
Ayon kay Brosas, habang abala ang mga Marcos sa pagpapatayo ng building na magsisilbing “catering area,” bukod sa magagarbong party patuloy na bumabagsak ang halaga ng piso, tumataas ang halaga ng pasahe at walang pondo sa ayuda.
Dagdag pa ni Brosas, sa budget briefing para sa 2023 proposed national budget, wala daw pondo sa pagtatayo ng mga bagong paaralan pero mabilis anya ang alokasyon pampatayo ng catering area.