-- Advertisements --

Naniniwala ang isang grupo na ang Rice Tarrification Law ang dahilan kung bakit tumaas nang hanggang P4 ang presyo ng kada kilo ng bigas sa ilang merkado.

Ayon sa Bantay Bigas, simula noong Marso 1 ay napansin na ng ilang mamimili na tumaas na ang presyo ng bigas mula P1 hanggang P4.

Pero depende umano ito sa klase ng bigas.

Sinabi ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupong hindi nararamdaman ang epekto ng batas dahil walang ginagawang aksiyon dito ang gobyerno.

Paliwanag niya, maging ang mga imported na bigas ay mataas pa rin ang presyo sa merkado.

Kaya naman sa pagtaas ng presyo ng bigas ay imposibleng maabot ang ipinangakong P25 kada kilo na halaga ng bigas sa loob ng 4 na taong ipinatutupad ang batas.

Mas lalo pa nga raw tumaas ang presyo nito sa merkado lalo na ang mga lokal na uri ng bigas.

Isa ring dahilan ay nawala na rin ang murang pinagkukuhana ng bigas na National Food Authority (NFA) na P27 hanggang P32.

Kung dati raw ay dama ng mga retailer ang pagbaba ng presyo ng bigas tuwing anihan, ngayon ay hindi bumababa ang presyo kahit tuloy-tuloy ang ani.