Pinangangambahan ang posibleng pagtaas sa kaso ng pediatric pneumonia sa bansa.
Ito ay kasunod na rin ng pag-alis sa state of public health emergency sa bansa, na unang ipinatupad sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, ang Chief ng University of the Philippines-Philippine General Hospital Infectious and Tropical Disease Division, ilang salik ang kanilang nakikita na maaaring maging sanhi ng pag-angat sa kaso ng pneumonia sa mga kabataan.
Isa rito ay ang kapabayaan ng mga magulang, lalo na sa pagmonitor sa kalusugan ng kanilang mga anak.
Kasama rin dito ay ang mas nakakagala na ang mga bata, kasunod ng pagtanggal sa emergency declaration, lalo na yaong mga batang may edad lima pababa na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Ayon kay Ong-Lim, bumaba ang bilang ng mga kaso ng pediatric pneumonia nitong nakalipas na pandemiya dahil na rin sa pagbabantay ng mga magulang sa kanilang mga anak
Paliwanag ng health expert, ang Pediatric o childhood pneumonia ay isang nakababahalang sakit ng mga kabataan dahil sa paghina ng kanilang respiratory system. Naaapektuhan dito ang kanilang mga baga na nagiging dahilan ng kanilang hirap sa paghinga.
Ang nasabing sakit ay maaring mauwi sa iba’t ibang komplikasyon, katulad ng respiratory failure, at pagkamatay.