Maaring iugnay ang nakitang pagtaas sa bilang ng COVID-19 cases sa labas ng Metro Manila sa mga aktibidad sa kakatapos lamang na holiday season.
Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mayroong naitalang pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, Central Visayas, Davao Region, SOCCSKARGEN, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Vergeire, marami ang umuwi ng probinsya at nagkaroon nang salu-salo at iba pang uri nang pagdiriwang sa nakalipas na buwan dahil sa Pasko at Bagong Taon.
Hanggang kahapon, Enero 20, umakyat sa 505,939 ang COVID-19 cases na naitala sa Pilipinas matapos na maidagdag dito ang 1,862 na bagong infections.
Ang Zamboanga City ang siyang may pinakamataas na naitalang bagong kaso sa 206, na sinundan ng Davao City na may 109, Kalinga na may 102, Quezon City na may 77, at Benguet na may 74.










