Binalaan ni Senadora Risa Hontiveros ang kanyang mga kasamahan sa Senado na ang pagsusulong sa Charter Change ay mapanlinlang, hindi praktikal, divisive at hindi wais.
Nagtataka si Hontiveros kung bakit gumugulong at ipinipilit sa taumbayan ang Charter Change.
Aniya, kung foreign investments lang din naman, mas mainam na palakasin muna ang loob ng mga mamumuhunan sa bansa sa halip na isulong ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Bukod pa rito, ang pag-amyenda sa Konstitusyon upang buksan ang higit pa sa ating mga pinakamahalagang industriya — tulad ng public utilities edukasyon, at advertising — sa 100 percent foreign ownership ay magbibigay lamang sa bansa ng panganib sa seguridad.
Giit pa ni Hontiveros, ang pinakalayunin ng panukala na pasiglahin at akitin ang mas maraming dayuhang pamumuhunan ay tinutugunan na ng kasalukuyang mga batas.
Kabilang ang Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act, at Public Service Act.
Kaya naman, umaapela ang Senadora sa kanyang mga kasamahan sa Senado, na umaksyon para sa practical solution at hindi ang paglikha nang mas malaking problema.










