Nanawagan si Cardinal Pablo Virgilio David at iba pang mga obispo sa Asya na itigil na ang karahasan at pairalin ang diyalogo, kasabay ng kanilang pagsuporta sa panawagan ni Pope Leo XIV para sa kapayapaan sa gitna ng lumalalang tensyon at kritisismo mula kay U.S. President Donald Trump.
Sa pahayag ng Federation of Asian Bishops’ Conferences (FABC), kung saan nagsisilbing bise presidente si David, binigyang-diin ang lumalaking panganib ng pag-asa sa kapangyarihan habang humihina ang international law at ilang institusyon.
Ayon sa FABC, tinatawag tayo para sa ating mga pagkakaiba tulad ng pagsusulong ng hustisya, diyalogo, at kapayapaan na nakabatay sa dignidad ng tao. Hinimok din nila ang lahat ng panig na igalang ang international law at humanitarian norms, at piliin ang “moral diplomacy” bilang paraan ng paglutas ng digmaan.
Ang panawagan ay kasunod ng nagpapatuloy na labanan sa Middle East, kung saan mahigit 3,400 katao na umano ang nasawi sa Iran, kabilang ang maraming sibilyan at mga bata, ayon sa isang rights group.
Kaugnay nito, nanawagan din ang FABC sa mga mananampalataya at sa lahat ng may mabuting kalooban na magkaisa sa pananalangin at pagkilos para sa isang mundong ang mga alitan ay nilulutas sa pamamagitan ng pag-unawa at pagtitiwala, hindi ng isang dahas.
Nauna nang iginiit ni Pope Leo XIV ang kahalagahan ng kapayapaan at pakikipamuhay nang may paggalang, sa kabila ng patuloy na batikos ni Trump sa kanya sa social media. Sinabi rin ng Santo Papa na ipagpapatuloy niya ang pagsasalita laban sa digmaan.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang ilang lider ng Simbahan sa Pilipinas, kabilang si Cebu Archbishop Alberto Uy, na nagsabing ang Santo Papa ay nagsisilbing tinig ng konsensya ng mundo.















