Ngayong napapa-ulat ang umano’y pagkalat ng pekeng bakuna sa black market, umapela si House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda sa pamahalaan magkaroon ng timeline at plano sa pagbili, pamamahagi at rollout ng totoong COVID-19 vaccine.
Sa ganitong paraan, maitutugma aniya ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang plano sa ninanais naman na mangyari ng national government pagdating sa roll out ng mga bakuna kontra COVID-19.
Para maiwasan ang kalituhan, kailangan aniya na linawin ng ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez kung ilang bakuna na ang nabili ng pamahalaan, kung anong uri ang available, kailan darating ang iba pang supply, at kung sino ang dapat unahin sa programang ito.
Sa pagsagot sa mga katanungan na ito ay malalabanan aniya ang black market at maiiwasan din ang pagkalito ng publiko.
Dagdag pa ni Salceda, matutulungan ang public at private sector na makapag-adjust kung mayroong malinaw na national starategy mula pagtukoy kung kailan at anong uri ng storage ang kailangan bilhin, anong mga pangangailangan ang dapat na matugunan ng pribadong sektor, at iba pang basic components sa vaccination process.
“Otherwise, the LGUs and the private sector will engage in a ‘free-for-all’ competition for vaccines, of course at the cost of a more strategic and targeted national distribution,” dagdag pa nito.
Kamakailan lang ay inihain ni Salceda ang House Bill No. 8285, o ang Bayanihan sa Bakuna Act, na naglalayong tanggalin ang redtape sa procurement, distribution at administration ng COVID-19 vaccines.










