-- Advertisements --

Hindi sang-ayon si dating Senador at Liberal Party spokesperson Leila de Lima na isama sa darating na 2025 mid-term elections ang plebesito para sa Charter Change.

Ayon kay De Lima, walang dahilan upang baguhin ang Konstitusyon dahil malinaw na para lamang ito sa pansariling interes ng mga nagsusulong ng naturang panukala.

Sinabi ng dating opisyal na diskarte lamang ito para maisulong ang Cha-Cha lalo’t hindi malinaw sa mga tao kung economic provisions lamang ang layunin nito.

Babala pa nito, kapag nagtagumpay ang hakbang sa pamamagitan ng plebesito, wala nang magagawa ang mga mamamayan kung sisingitan man ito ng political provisions tulad na lamang ng pagpapalawig sa mga termino dahil nasa kamay na ng mga mambabatas ang desisyon.

Giit pa ng dating senador, delikado pa rin itong economic Cha-Cha dahil posibleng makontrol ng mga dayuhan ang edukasyon, halimbawa na lamang nang pagpapaniwala sa mga estudyante na pagmamay-ari ng China ang West Philippine Sea o iba pa.

Una rito, hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Comelec na pag-aralan ang posibleng pagsama ng plebesito sa eleksyon sa susunod na taon, para makatipid.