-- Advertisements --

Nanindigang muli Defense Sec. Delfin Lorenzana na may pangangailangan pa ring rebyuhin ang mutual defense treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ito’y kahit sinabi na nina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at US Secretary of State Michael Pompeo na hindi na kailangan pang rebyuhin ang ilang mga detalye na nakapaloob sa MDT.

Sinabi ng kalihim kahit nagbitiw ng pahayag si Pompeo, isusulong pa rin nito ang pagrepaso ng MDT.

Ayon kay Lorenzana, may mga detalye kasi sa MDT ang hindi malinaw kaya dapat i-revisit ito at gawin ang mga kaukulang pagbabago.

Pero habang nirerebyu ang MDT at kung sa kalagitnaan ay wala na pala dapat baguhin ay kanila naman itong sasabihin.

Inihayag ng opisyal na isa sa mga hindi malinaw ay ang salitang “attack” kung saan inihalimbawa nito ang ginawa ng China sa West Philippine Sea kung saan hindi nga inatake ang Pilipinas pero ang ginawa ng Beijing ay sinakop ang ilang isla sa tinaguriang disputed islands.

Kinumpirma din ni Lorenzana na tuloy pa rin ang kaniyang pulong kay Deputy Assistant Secretary of Defense for South and Southeast Asia, Dr. Joseph Felter Deputy kung saan magkakaroon sila ng exploratory talks o discussion kaugnay sa planong pagrebyu sa nasabing kasunduan.