
Mina-mandato na sa mga bibisitang indibidwal sa mga tanggapan ng Bureau of Corrections (BuCor) at sa mga inmate sa New Bilibid Prison (NBP) ang pagpapakita ng negatibong resulta ng rapid antigen test at pagsusuot ng face mask.
Ito ay kasunod na rin ng naitalang pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng COVID-19 sa Bilibid at Correctional Institution for Women.
Ayon kay BuCor Health and Services Acting Director Dra. Ma. Cecilia Villanueva na mula sa 577 persons deprived of liberty na nasuri ngayong linggo, nasa kabuuang 55 inmates ang nagpositibo sa virus.
Nasa 30 dito ang nakaranas ng mild symptoms habang nasa 22 naman ang asymptomatic.
Mayroon ding isang personnel ang nagpositibo sa coronavirus.
Ayon kay Villanueva na posibleng nag-ugat ang hawaan ng covid-19 sa piitan mula sa mga visitor.
Ayon pa sa BuCor na ang unang batch ng 32 PDLs na nagpositibo sa virus ay kailangang sumailalim sa rapid antigen test bukas, Biyernes bago sil ma-discharge.
Patuloy naman ang isasagawang contact tracing para matiyak ang kaligtasan ng mga preso at ng kanilang mga personnel.
Samantala, una ng inanunsiyo ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na suspendido muna ang visitation privileges sa mga preso sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City at sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong city.










