
Inanunsyo ng Visayas Command na mariing kinokonsidera ang pagpapaliban ng halalan para sa Barangay at Sangguniang kabataan sa Negros Oriental.
Pinalutang ang posibilidad na pagpapaliban sa naturang halalan sa Negros Oriental sa pag-convene ng mga opisyal ng Viscom, Commission on Election-Central Visayas (Comelec-7), Area Police Command-Visayas, at Coast Guard districts sa Visayas kasabay ng kauna-unahang Joint Security Control Center meeting sa Camp Lapu-Lapu.
Naging sentro ng pagpupulong ang kinakailangang paghahanda para sa BSKE sa Oktubre ng kasalukuyang taon.
Dito, inihayag ng Comelec-7 officials ang posibilidad ng postponement ng halalan sa lalawigan kasabay ng nakatakdang pagtungo sa probinsya upang i-assess ang kasalukuyang sitwasyon bago gumawa ng kaukulang mga rekomendasyon.
Sa kasalukuyan kasi, maigting ang isinasagawang monitoring ng mga awtoridad sa sitwasyon sa Negros Oriental kasunod na rin ng nangyaring madugong Pamplona massacre noong Marso 4 na ikinasawi mismo ni Governor Roel Degamo at siyam na iba pang mga indibidwal.









