-- Advertisements --
image 105

Binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat pag-aralan nang maigi kung paano gawing sustainable ang panukalang batas na magpapababa sa compulsory at optional retirement age ng mga empleyado ng gobyerno, lalo na’t maraming sumusuporta dito.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, inihayag ng Senador na maraming mga guro sa pampublikong sektor ang humihiling ng mas maagang pagreretiro sa serbisyo.

Dagdag pa, hiniling din ni Gatchalian, sa Civil Service Commission (CSC) na pag-aralan ang mga pension system sa iba’t ibang bansa at tukuyin ang mga best practices.

Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 944 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 8291 o ang Government Service Insurance Act of 1997 para ibaba ang compulsory retirement age ng mga empleyado ng gobyerno mula 65 hanggang 60 at optional retirement age mula 60 hanggang 55.

Ang panukala ay inaprubahan na sa Mababang Kapulungan noong Enero ng taon.

Kung maisabatas ito aniya magkakaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho ang mas maraming Pilipino, lalo na ang mga nakababatang henerasyon na mas sanay sa mga makabagong teknolohiya na magagamit sa operasyon ng mga ahensya ng gobyerno.