Hinimok ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang economic managers ng Duterte administration na muling balikan at bumuo ng bagong polisiya para makapaghikayat ng foreign investors sa mining sector.
Ayon kay Barbers, ang pagmimina sa Pilipinas ay maituturing bakuna sa bagsak na ekonomiya ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Mr. Speaker, I think this is a feasible and realistic solution. While we are months or years away to a COVID vaccine, our economy needs immediate vaccination. And mining is the solution,” giit ni Barbers sa kanyang privilege speech noong Agosto 10 sa plenaryo ng Kamara.
Makakatulong aniya ang wastong exploration, exploitation at utilization ng mineral resources ng bansa sa pagbabayad ng pamahalaan sa malaking halaga na inutang para gamitin sa COVID-19 response kabilang na ang pagsindi ulit ng ekonomiya matapos maitala ang 16.5 percent contraction sa gross domestic product (GDP) ng bansa sa second quarter ng taon.
Sa ngayon, dalawa ang pangunahing pinagkukuhanan ng dollar revenues ng Pilipinas, ang BPO at OFWs, na may pinagsamang halaga na US$60 billion kada taon.
Pero ayon kay Barbers, maaring mabawasan ito ng 6 hanggang 12 billion US dollars ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic.
Pero bago pa man aniya bumulusok ang ekonomiya ng bansa, sa GDP at dollar reserves, sinabi ni Barbers na dapat isaalang-alang ng gobyerno ang kikitain mula sa mining sector.
“Exploration to production takes time, and we can reap the benefits probably 5, 10 years down the line, depending on the various stages of exploration between our existing mining companies. If we target, say a 5 to 10 percent share in GDP, the mining sector can contribute 18 to 36 billion dollars, more than enough to cover the gap that will be created by the reduced OFW and BPO sectors,” saad nito.










