Isinusulong ngayon sa Kamara ang panukalang batas para mapanatiling buhay sa alaala ang kabayanihan ng mga Filipino Olympians.
Sa ilalim ng House Bill No. 10096 na itinutulak ng grupo ni Deputy Speaker Eric Martinez, ang New Clark Athletics Stadium sa Capas, Tarlac ay ipapangalan sa 1932 Olympic high jump bronze medalist na si Simeon Toribio habang ang kalapit na New Clark City Aquatics Center ay kay swimmer Teofilo Yldefonso,
na nanalo ng Olympic bronze medals sa 200-meter breaststroke noong 1928 sa Amsterdam at 1932 sa LA.
Maliban dito, ipinanukala rin ni Martinez na ang Philippine Institute of Sports Football and Athletics Stadium o dating kilalang ULTRA sa Pasig City ay ipapangalan sa hurdler na si Miguel White, ang pinakahuling nakapag-uwi ng Olympic medal sa track field (400m hurdles bronze) noong 1936 sa Berlin.
Nais din ng mga nasabing mambabatas na magtatag ng Philippine Olympian Memorial, isang museum sa loob mismo ng New Clark City.