CAUAYAN CITY – Tumutulong na rin ang mga kasapi ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa pulisya sa Region II sa pagbabantay sa mga inilatag na checkpoints dahil sa enhanced eommunity quarantine sa buong Luzon dahil sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, sinabi niya na ang ginagawa nilang augmentation ay bahagi ng kanilang non-traditional activities o non-combat activities na tinatawag din nilang humanitarian assistance sa panahon ng mga kalamidad.
Aniya, kung anuman ang mga polisiya na ipinapatupad ng PNP tungkol sa enhanced community quarantine ay iyon din ang kanilang sinusunod.
Tiniyak naman ng opisyal na may ginagamit na face mask ang kanilang mga kasapi habang nagmamando sa checkpoints.
Samantala, tinawag ng ni Tayaban na propaganda lamang ang pagkuwestiyon ng ilang grupo sa presensya ng mga sundalo sa mga checkpoints
Kung tutuusin aniya ay malaking bagay ang presensya ng militar at pulis dahil kung ang mga health personnel lamang ang makikita ng mga tao sa checkpoints ay maaring hindi sila sumunod.