Ikinatuwa ng Department of Agriculture (DA) na humina ana ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Sa virtual hearing ng House Committee on Agriculture kahapon, sinabi ni DA Sec. William Dar na malaking dahilan para sa paghina nang pagkalat ng ASF ay ang umiiral na quarantine protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dar, bago nagkaroon ng lockdown, marami pa aniya ang nagbabalak na pumasok sa hog industry pero naunsyami dahil sa mahigpit na quarantine protocols sa COVID-19 matapos na higpitan ang panuntunan sa pagbiyahe o paglabag man lang ng bahay.
Sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), tanging mga essential goods lamang ang pinapayagang ibaiyahe sa gitna ng lockdown.
Dahil dito, ayon kay Dar, “very minimal” ang pagkalat ng ASF base na rin sa kanilang monitoring.
Sa katunayan, nasa 2 percent na lamang aniya sa total hog industry ang nahawaan ng ASF hanggang sa kasalukuyan.
Bago ang COVID-19 pandemic, ilang libong baboy ang namatay dahil sa ASF, kung saan pinakamaraming naitalang kaso ay nasa Luzon.