DAVAO CITY – Isa umano sa naging rason ng pagka-bankrupt ng gobyerno ng Sri Lanka ay ang mababang pagpapataw ng buhis ng gobyerno sa kanilang mga residente.
Kung maalala, nalugmok sa grabeng paghihirap ang nasabing bansa matapos ang kabiguan sa pagkontrola sa pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin o ang nagpapatuloy na pagtaas ng inflation kung saan umabot na ito sa 56%.
Pinangangambahan din ng iilan na posible pa itong umabot sa 70%.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Prof. Ramon Beleno III, Political Analyst at propesor sa Ateneo de Davao University, sinabi nito na medyo “populist” ang pangulo ng Sri Lanka na si Gotabaya Rajapaksa kung saan binibigay nito ang gusto ng mga tao habang hindi kinokunsidera ang magiging epekto nito sa pangkalahatan.
Napag-alamang nangako umano ito na king mananalo sya, bababaan nito ang taxes o buwis sa bansa kung saan nagresulta ito sa maliit na lamang na tax collection ng gobyerno.
Maliban dito, napag-alamang highly subsidized ng gobyerno ang presyo ng langis sa nasabing bansa.
Dahil dito, kasabay ng pagmahal ng presyo ng langis dahil sa gyera sa Russia at Ukraine, mas malaki na ang babayaran ng kanilang gobyerno ngunit ang kanilang nakolekta na buwis ay hindi sasapat na pambayad para dito.