-- Advertisements --

Isasailalim pa sa validation ng PNP ang naging pahayag ni US Secretary of State Mike Pompeo na malaking banta sa national security ng bansa ang pagpasok ng Chinese communication firm na Huawei.

Ayon kay PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde, kung totoo mang tinitiktikan ng China ang communication lines ng Pilipinas, napaka-delikado ito sa seguridad ng bansa.

Pero sa ngayon, wala naman umano silang namo-monitor lalo na sa communication line ng PNP.

Sinabi ni PNP chief na pakikilusin niya ang kanilang intelligence community para iberipika ang nasabing ulat.

“What is important here kung talagang may mga ganyang information we have to validate that. That is the work of our intelligence community. Dapat kailangan tingnan natin kasi kung totoo ‘yan syempre that’s very dangerous sa ating national security,” pahayag ni Albayalde.

Una nang pinawi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pangamba na tinitiktikan ng China ang linya ng komunikasyon ng Pilipinas.

Sinabi ni Lorenzana na wala raw silang natatanggap na anumang impormasyon ukol dito.