Muling tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang agam-agam ng publiko sa SIM registration.
Partikular na rito ang pangambang maaaring makompromiso ang kanilang mga personal na impormasyon.
Ayon sa DICT, kaakibat ang Data Privacy Act ng 2012 ay ligtas ang datos at impormasyon ng publiko sa SIM Registration.
Ibig sabihin, binibigyang proteksyon ng batas ang datos at personal na impormasyon ng bawat registrant.
Sinabi rin ni DICT Sec. Ivan Uy na maging ang telcos ay sumusunod din sa mga kinakailangang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga end-user habang isinasagawa ang SIM Registration.
Sa ngayon, nasa 26.75 percent na o 45.2 milyon ang bilang ng mga subscribers na nakapagparehistro ng kanilang SIM Card.
Una rito, plano ng NTC na palawigin pa ang SIM registration para mabigyan ng pagkakataon ang mga subscribers na mairehistro ang kanilang SIM card.
Magtatapos ang SIM registration sa Abril 26 ngayong taon.
Sa ngayon nasa deliberasyon pa ang pagpapalawig ng SIM registration ng panibagong 120 araw.
Pinapayagan ng batas ang DICT na palawigin ang deadline para sa panibagong 120 araw kung kinakailangan.










