BOMBO DAGUPAN – Dahil sa pagiging aktibo ng national security sector sa pangunguna ng Philippine Coast Guard at mga kaalyadong bansa gaya ng Estados Unidos sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea, mas nagiging agresibo ang navy at maritime militia ng China sa kanilang pag-atake.
Ito ang obserbasyon ni Michael Henry Yusingco, na isang political analyst patungkol sa mga serye ng pag-atake ng China sa pinag-aagawang karagatan gaya na lamang ng mapanganib na aksyon ng dalawang fighter jets ng China sa eroplano ng Philippine Air Force sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito pinabulaanan naman ni Yusingco ang kasinungalingan pinapakalat ng China na mas pinaiigting ng Pilipinas ang galit ng China dahil sa pakikipag-alyado sa mga karatig na bansa gaya ng Estados Unidos.
Isa lamang aniya itong mekanismo upang mas mapalakas pa ang seguridad ng bansa dahil hindi naman maitatangging hindi sapat ang kagamitang pandigma ng Pilipinas upang masiguro nito ang national security ng bansa.
Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan ng bansa na humingi ng tulong sa mga like-minded nations bilang parte ng parte ng pagsiguro ng kapayapaan sa bansa.
Nilinaw din nito na hindi lamang ang Pilipinas ang kinakalaban ng China kundi maging ang mga bansang Vietnam, Malaysia at Indonesia na kapwa nakikipagtunggali din sa mga claims nito sa naturang karagatan.
Marahil aniyang nagkataon lang na mas mainit ang mata ng China sa Pilipinas dahil sa may hawak na katibayan ng ating pagmamay-ari sa naturang kagaratan kung saan nakasaad sa international law na malinaw na naipanalo ng Pilipinas ang pagiging owner nito sa West Philippine Sea sa Court of Arbitration.