-- Advertisements --

Iginiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi tuluyang nakasasama sa ekonomiya ng bansa ang pagdausdos ng halaga ng piso kontra US dollar, dahil nakatutulong umano ito sa ilang pangunahing sektor.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., ang kasalukuyang estado ng pera na pumalo sa lagpas P60 na marka ay nagbibigay ng pabor sa current account deficit at sa sektor ng eksportasyon ng Pilipinas.

Matatandaang naitala ang all-time low na P60.30 kada dolyar noong ika-23 ng Marso, tatlong linggo matapos direktang masangkot ang Estados Unidos sa isang sigalot.

Sa kasalukuyan, nananatili ang palitan sa paligid ng P60.23 dulot ng mataas na demand sa dolyar at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa kabila ng pagbaba ng halaga ng piso, nagsisilbi itong cushion o pananggalang para sa mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Dahil sa mas mataas na palitan, lumalaki ang halaga ng mga remittance na tumutulong upang balansehin ang panlabas na pondo ng bansa.

Nagiging mas kompetitibo rin ang mga serbisyong hindi umaasa sa mga inaangkat na materyales, partikular ang business process outsourcing at tourism.

Gayunpaman, nararanasan ng mga karaniwang sambahayan ang negatibong epekto nito.

Ang mas mahinang piso ay nagpapataas sa halaga ng mga import gaya ng petrolyo, pagkain, at suplay ng kuryente. Ito ay nagdudulot ng inflation at direktang nagpapababa sa purchasing power ng mga Pilipino.

Nilinaw naman ni BSP Governor Eli Remolona na karaniwang nakikialam lamang ang ahensya sa foreign exchange market kung mayroong excessive volatility o matinding pabago-bago sa merkado.

Ngunit tiniyak niya na handang umaksyon ang central bank sakaling maging disorderly na ang patuloy na paghina ng piso.