Inanusyo ng Philippine Statistics Authority na hindi pa nila matukoy ang bilang ng mga Philippine Identification card (PhilID) na naapektuhan ng sunog na sumiklab sa Manila Central Post Office at biniyang diin na ito’y makakaapekto sa pagdedeliver ng mga IDs.
Ayon sa PSA, nakikipag-ugnayan pa ito sa Philippine Postal Corporation (PHLPost) hinggil sa eksaktong bilang ng mga PhilID na posibleng napinsala ng naganap na sunog.
Batay sa inisyal na impormasyon na ibinigay ng Philippine Postal Corporation (PHLPost), tanging mga PhilID para sa paghahatid sa Lungsod ng Maynila ang naapektuhan ng sunog.
Dagdag dito, sinabi ng PSA na papalitan nito ang isang PhilID kung ito ay nawala at natupok dahil sa sunog.
Ang nasabing pagpapalit ay walang karagdagang gastos sa mga kinauukulang rehistradong tao, kasunod ng mga protocol na itinakda ng PSA para sa mga ganitong sitwasyon.
Kung matatandaan, tinupok ng apoy ang Manila Central Post Office kaninang madaling araw na nagresulta na ikinasugat ng pitong katao.
Una nang sinabi ng mga awtoridad na ang danyos sa naganap na sunog ay tinatayang nagkakahalaga ng P300 million.