-- Advertisements --

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang pahintulot at hindi sumasalamin sa posisyon ng hukbo ang mga kumakalat na post sa social media na gumagamit sa larawan ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. upang manghikayat sa mga political activities at malawakang protesta.

Binigyang-diin ni AFP Chief, Public Affairs Office (PAO) Col. Xerxes Trinidad, ang AFP ay isang propesyonal, nagkakaisa, at walang kinikilingang institusyon na hindi sumusuporta o sumasali sa anumang partisan political activities.

Ipinunto ni Trinidad, ang kanilang mga aksyon ay nakabatay lamang sa Konstitusyon, batas, at sa kanilang sinumpaang tungkulin sa bansa.

Nawagan din ang militar sa publiko na maging mapanuri at i-verify muna ang mga impormasyon bago magbahagi ng mga online content na maling nagdadawit sa AFP.

Tiniyak ng AFP na sila ay nananatiling solid, disiplinado, at nakapokus sa kanilang mandato na protektahan ang mamamayan at panatilihin ang seguridad ng teritoryo ng Pilipinas.