-- Advertisements --

PAGGAMIT NG MAHARLIKA FUND UPANG ISALBA ANG MGA MAGSASAKA SA MATAAS NA INTERES SA PAUTANG, ISINUSULONG

Isinusulong ngayon ni Murang Kuryente party-list Rep. Arthur Yap ang estratehikong paggamit sa Maharlika Investment Fund (MIF) upang palakasin ang credit rating ng sektor ng agrikultura, na magsisilbing proteksyon ng mga magsasaka at mangingisda laban sa malalaking collateral at matataas na interes sa pautang.

Sa inilabas nitong pahayag, iginiit ni Yap na maaaring magamit ng pamahalaan ang pondo para alalayan ang agrikultura sa gitna ng nakaambang krisis pang-ekonomiya na dulot ng patuloy na sigalot sa Middle East.

Nilinaw ng mambabatas na hindi layon ng hakbang na ito na gawing subsidy fund ang Maharlika o palitan ang mga pribadong institusyon na nagpapautang.

Sa halip, gagamitin ito bilang commercial credit-enhancement mechanism para mas mapabuti at mapagaan ang kondisyon ng pangungutang ng mga agricultural stakeholders.

Ayon sa kongresista, ang pangunahing problema ng sektor ay hindi ang kawalan ng lenders, kundi ang hirap na makatugon ang mga magsasaka sa hinihinging rekisitos.

Ang kawalan ng proteksyon sa pag-utang ang nagtutulak sa mga nagpapautang na magtaas ng interes o humingi ng labis na collateral dahil sa mataas na peligro.

Bilang solusyon, iminumungkahi ni Yap na magsilbing national escrow facility o first-loss reserve ang pondo.

Iginigiit niyang ang diskarte na ito ay direktang nakalinya sa mismong layunin ng MIF na tutukan ang agrikultura bilang isang strategic investment area upang mapanatili ang food security at masuportahan ang paglago ng agri-business at supply-chain efficiency sa bansa.