Nagbabala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa publiko kaugnay sa mga iligal na offshore gaming sa bansa.
Ito ay matapos na ianunsiyo ng Pagcor ang nadiskubre nitong pekeng gaming sites na iligal na gumagamit ng logo ng Pagcor para linlangin ang mga tao at ituring na lehitimo ang kanilang websites.
Kaugnay nito, inabisuhan ni Pagcor Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco ang publiko na maging maingat kapag naglalaro sa online.
Sa kasalukuyan, binura na ang karamihan sa mga iligal na nag-ooperate na website subalit ilan sa mga ito ay agad na nakakagawa ng bagong website kung kayat kailangan aniya ng kooperasyon at vigilance ng publiko para matulungn silang masugpo ang mga ganitong scammers.
Naibigay na rin ng Pagcor ang isinagawa nitong imbestigasyon sa Philippine National Police, Department of Information and Communication Technology, at National Bureau of Investigation para sa kukulang aksiyon laban sa mga iligal na offshore gaming.
Humahanap din aniya ng paraan ang nasabing gaming firms para harangin ang payments papunta at mula sa illegal gambling sites sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa law enforcement agencies at electronic payment service providers.
Ang ganitong paraan aniya para mapigilan ang hindi lisensiyadong offshore gaming ay matagumpay sa ibang mga bansa gaya ng US at Singapore.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Pagcor sa National telecommunications Commission para ma-take down ang mga aktibo pang iligal na online gaming.