-- Advertisements --
COMELEC CHAIR GEORGE GARCIA

Ipinag-utos ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang pagbuo ng 12-man task force para silipin ang mga alegasyon ng ‘rigged bidding’ noong 2016 national at local elections.

Ang hakbang ay matapos lumabas noong Setyembre 21 ang mga ulat tungkol sa pagsasampa ng kaso ng US government laban kay dating Comelec Chairman Andres Bautista.

Nag-ugat ito mula sa claims ng dating asawa ni Bautista na si Patricia Paz Bautista, na sinasabing mayroon siyang ill-gotten wealth na nakuha umano mula sa maanomalyang kasunduan na nauugnay sa presidential race noong 2016.

Ngunit itinanggi ni Bautista na nakatanggap siya ng anumang suhol mula sa election technology provider na Smartmatic noong 2016 elections.

Inihayag pa ng Comelec chairman na nais nitong malaman ang puno’t dulo ng lahat ng akusasyong ito, kung ano ang mga hawak na ebidensiya ng Amerika at sino ang mga taong maaaring nasa likod nito.

Nilinaw naman ni Garcia na ang imbestigasyon ay hindi nakadirekta kay Bautista at kailangang ipakita ng Komisyon na wala itong itinatago.

Inaasahan ng poll body chief ang ulat ng task force bago matapos ang taon.