KALIBO, Aklan – Tuloy-tuloy ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Caticlan jetty port at iba pang pantalan sa Aklan sa kabila ng Bagyong Agaton.
Ito ay dahil hindi sakop ng storm signal ang lalawigan.
Sa kabila nito, ipinasiguro ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan na 24/7 silang nakabantay sa mga pantalan kasabay ng inaasahang pagbuhos ng mga pasahero na magbabakasyon sa Isla ng Boracay at mga uuwi sa kani-kanilang lalawigan sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino, deputy station commander for operations ng PCG-Aklan na ito ay kasunod ng ipinalabas na memorandum mula sa national headquarters kaugnay sa pagpapatupad ng Oplan Ligtas Biyahe Semana Santa 2022.
Mahigpit aniyang ipinapatupad ng PCG ang mandatory pre-departure inspection upang masiguro ang bilang ng mga pasahero at kompleto ang kanilang mga dokumento.
Upang mabantayan ang pagpapatupad ng minimul health protocols, nag-deploy sila ng mga tauhan sa port at nagsasagawa ng inspeksyon sa mga sasakyang pandagat.
Dagdag pa ni Salvino sa pagpasok ng buwan ng Abril ay nagsimula nang bumuhos ang mga turista sa Boracay na karamihan ay nagmula sa National Capital Region (NCR).
Sa kabilang daku, mahigpit ang monitoring ng PCG sa mga sea sports activity sa Boracay upang masiguro nga pinapayagang seating capacity at pagsusuot ng life jacket.










