-- Advertisements --

Dumipensa ang Chinese Embassy na nakabase sa Maynila sa ginawang pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) sa resupply boat ng Pilipinas na Unaiza May 4 na nagresulta ng matinding pinsala at pagkasugat ng lulan nito habang nagsasagawa ng regular rotation at resupply mission sa Ayungin shoal ngayong araw.

Ayon sa embahada ng China, parte umano ito ng kanilang regulatory actions laban sa mga barko ng PH na iligal umanong pumasok sa Ayungin shoal na inaangkin ng China na parte ng kanilang teritoryo.

Subalit sa panig ng PH, inakusahan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard ang CCG ng pagharang at pambobomba ng tubig sa resupply boat ng PH.

Sa kabila naman ng panibagong panghaharass ng mga barko ng China sa resupply mission ng ating bansa, naging matagumpay pa rin ito at naihatid ang mga essential goods sa mga tropa ng PH na nakaistasyon sa military outpost ng bansa sa may Ayungin shoal sa West Philippine Sea.