GENERAL SANTOS CITY – Labis ang tuwa ng pamilyang Magsayo sa Tagbilaran Bohol sa panalo ni WBC world featherweight champion Mark ‘Magnifico’ Magsayo.
Magugunitang tinalo ni Magsayo ang American boxer na si Gary Russell Jr. sa pamamagitan ng majority decision sa laban na ginanap sa Atlantic City, New Jersey, USA.
Ayon kay Judy Magsayo, mas ipinagmamalaki na nito ngayon ang anak dahil may hawak ng titulo sa boxing.
Aniya, kaagad silang nagkausap ni Mark matapos ang laban kung saan hindi rin maitago ang abot-langit na kaligayahan sa kanyang naging tagumpay.
Samantala, ikinuwento nito na 8 years old pa lamang nang nagsimula sa boxing ang anak habang nagtitinda ng ice cream.
Aniya, sariling desisyon ni Mark ang pumasok sa boxing ngunit naengganyo rin dahil sa mga nakikitang laban ni dating Filipino boxing champion at ngayon ay Senator Manny Pacquiao.
Ayon sa pamilya, balak umuwi ni Mark sa Pilipinas matapos na asikasuhon ang mga papeles ng kanyang asawa.
Nagpasalamat naman si Ginoong Magsayo sa Panginoon, mga kamag-anak at mga Pinoy na sumuporta sa kanyang anak.