
Sinuspinde ng Bureau of Corrections (BuCor) ang visitation privileges ng mga person deprived of liberty (PDLs) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City at Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City dahil sa natuklasang Covid- 19 virus.
Sa isang notice sinabi ng BuCor na ang lahat ng pagbisita sa loob ng nasabing bilangguan ay kinansela kaagad at hindi pa matukoy kung hanggang kailan.
Pinayuhan nito ang mga kamag-anak ng mga person deprived of liberty na makipag-ugnayan sa Inmate Visitation Service Unit (IVSU) ng New Bilibid Prison ng Maximum-Security Compound nito sa telephone No. 8478-0808 local 161 at Correctional Institution for Women Mandaluyong sa telephone No. 8532-1736.
Dagdag dito, hindi masabi ng BuCor kung ilang person deprived of liberty ang nahawaan ng Covid-19.
Nauna rito, inimbitahan ng BuCor ang mga mamamahayag na dumalo sa isang press event sa NBP ngunit kinansela rin ang nasabing kaganapan.
Kung matatandaan, ang mga pribilehiyo sa pagbisita ng mga person deprived of liberty sa lahat ng pasilidad ng bilangguan ng BuCor ay sinuspinde noong 2020 dahil sa pandemya ng Covid-19 na kung saan noong Mayo 2022, unti-unti nitong ipinagpatuloy ang mga pagbisita sa mga ito dahil na rin sa bahagyang pagbaba ng kaso ng COVID19.










