Pinag-aaralan na rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang posibleng pagbibigay ng financial assistance sa 24 na Pilipino na nananatili sa Sudan sa kabila ng nagpapatuloy na labanan ng military at paramilitary forces na ikinasawi na ng mahigit 500 katao.
Ayon kay OWWA administrator Arnell Ignacio, nasa 24 Pilipino ang nagpadala ng text sa mga awtoridad na nagpahayag na hindi sila uuwi ng Pilipinas dahil hindi naman umano apektado ang kanilang lugar sa kaguluhan.
Sa ngayon kasi nagbibigay ang gobyerno ng tig-P50,000 tulong pinansiyal para sa mga returning overseas Filipino workers mula sa Sudan.
Saad pa ng OWWA official na hindi naman aniya mapwepwersa ang mga Pilipino sa Sudan na umuwi ng bansa.
Kaya hiling aniya ng mga Pilipino piniling manatili sa Sudan na mabigyan ng financial assistance ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Kinukumpirma na rin aniya ang lokasyon ng 24 na OFWs na humihingi ng assistance.
Una ng inilikas ang nasa 300 Pilipino palabas ng Sudan dahil sa lumalalang labanan.