-- Advertisements --

Inirekomenda ng Alliance of Concerned Teachers – National Capital Region Union (ACT-NCR) ang pagbibigay ng tubig sa mga paaralan, payagan ang learning arrangements at dagdagan ang mga silid-aralan para maibsan ang mga epekto ng mainit na panahon.

Ayon sa ACT-NCR, base sa kanilang isinagawang online survey, 77% ng respondents ang nagsabing nahihirapan silang makayanan ang init sa mga silid-aralan habang 87% naman ang nagsabing nahihirapang makapag-pokus sa pag-aaral ang mga estudyante.

Nasa 46% naman ng respondents ang naghayag na tanging 2 lamang o kakaunti ang electric fans kada silid-aralan.

Iniulat din ni Union president Ruby Bernardo na marami sa mga guro at bata ang nakararanas ng pagkahilo at sakit ng ulo dahil sa tindi ng init.

Kayat giit ng grupo na kailangan ng mga paaralan na magkaroon ng mga silid-aralan na may maayos na bentilayon at mas maraming guro para mas maging mabawasan ang bilang ng mga estudyante sa maliit na mga silid-aralan.

Maliban dito, maaari din aniyang tumulong ang school adminsitrators sa mga guro at estudyante para makayanan ang init sa pamamagitan ng pagpapahintulot ng pagsusuot ng komportableng kasuotan.

Una rito, sinuspendi ang face to face classes sa ilang lugar sa bansa dahil sa mainit na panahon.