Tumanggi ang national government na magtakda ng timeline sa kung kailan maaring alisin na ang mga ipinatutupad ngayong quarantine restrictions sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isang virtual presser sa Malacanang, sinabi ni cabinet secretary Carlo Alexei Nograles, na miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), ang pagbawi sa mga quarantine restrictions ay nakadipende sa kung gaano kabilis maabot ang inaasam na population protection at herd immunity sa pamamagitan nang pagbabakuna sa iba’t ibang priority groups sa lipunan.
Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, gustuhin man nilang bawiin na ang quarantine restrictions na ito makalipas ang mahigit isang taon nang nasa ilalim ng pandemya ang bansa, kailangan aniyang pakinggan ang posisyon dito ng mga eksperto na nakakaalam sa katangian ng virus.
Naniniwala rin si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano na ang pinaka-susi sa sitwasyon ng bansa ay ang pagbabakuna, bukod pa siyempre sa mahigpit na pagsunod ng mga local government units sa kanilang mga vaccination plans, bukod pa sa mga ordinansa, omnibus guidelines, at Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy upang sa gayon mapigilan ang posibleng pagkalat pa lalo ng COVID-19.
Kamakailan lang, ilang mga lungsod sa Metro Manila ang pansamantalang inihinto ang pagtuturok ng first dose ng COVID-19 vaccine sa kanilang mga residente dahil sa paubos na rin ang kanilang supply ng mga bakuna.
Pero ayon kay Nograles, ngayong Hulyo, darating sa bansa ang higit 16.2 million doses ng COVID-19 vaccines, halos kasing dami ng 17.5 million doses na dumating sa bansa mula Pebrero hanggang noong Hunyo.










