-- Advertisements --
jeepney

Nilinaw ng dalawang transport groups na Manibela at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na hindi sila humihirit ng dagdag pasahe kundi ang panawagan nila ay ibasura ang Oil Deregulation Law at excise tax sa langis.

Ipinunto ni Manibela President Mar Valbuena ang isang memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan awtomatiko aniyang magkakaroon ng fare adjustment kapag mayroong paggalaw sa presyo ng langis.

Binigyang diin naman ng PISTON na ang rollbacks sa buwis sa oil at fuel ay makakatulong para sa mga tsuper at operators.

Sa ngayon kasi ayon kay PISTON National President Mody Floranda, halos P250 kada araw ang nawawalang kita ng mga tsuper dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ayon naman sa manibela, ang pagbibigay ng kaukulang fuel subsidy sa lalong madaling panahon ay ang pinakamainam na solusyon sa isyu.