Inirekominda ni Iloilo Rep. Raul “Buboy” Tupas na higpitan ang pagbabantay ng mga otoridad sa mga lugar na isasalilalim sa general community quarantine.
Ayon sa co-chairman ng House Defeat COVID-19 Committee (DCC) Sub-committee on Peace and Order, mahalagang mapanatili ang kaayusan sa mga kritikal na lugar.
Bagama’t maituturing hindi na kasama sa mga “high risk” areas, iginiit ni Tupas na lalong mas dapat paigtingin ang presensya ng mga otoridad sa mga lugar na mapapabilang sa general community quarantine.
“AFP and PNP units nationwide should maintain an enhanced vigilance against both traditional and non-traditional security threats as well as criminality,” ani Tupas.
Kaakibat aniya nito ay hakbang sa pagpapaagaan naman ng psychosocial effects ng tinaguriang “new normal” sa pamamagitan nang pagbalangkas ng strategic communications plan.
Pinatitiyak din nito na nakakaabot sa mga mahihirap, at maging sa mga napapabilang sa middle class, ang mga ayudang ibinibigay ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic.